ANG BUHAY SA ABROAD
Ni:Engr. Billy Y. Genotiva
Walang kasing sarap, kung mapapakinggan
Na ang isang tao’y nasa ibang bayan
Akala ng lahat ay puno ng yaman
Na subra ang hirap, ‘di lang nila alam…
Kung ating bigkasin, “abroad” ay maganda
Sari-saring lahi ang ‘yong makikita
May puti, may Ita, may singkit ang mata
Kung makipag-usap, English carabao pa.
Ang pangibang bayan ay swerte-swerte lang
Lalo’t makatagpo Kumpanyang mayaman
Kaysarap sumahod lalo’t buwan-buwan
Subalit ang malas sikmura’y kakalam.
Meron naman ibang kung inyong titingnan
Na kung umaasta ay puno ng yaman
Pawang dekorasyon ang buong katawan
Ngunit sa kabila ay puno ng utang.
Meron namang nais sa lungkot umiwas
Hanap ay kaibigan para may kausap
Nagpupunta ng bar babae ang hanap
Nasa isang sulok, paisa-isang shot.
Habang nasa disco mata ay balisa
Kislap ng dagitab nakakasorpresa
Lalapitan ang chicks agad pakilala
“I love you Sweetheart” susuportahan kita.
Si sexy nabula sa kanya’y sumama
Halos araw-araw mga Malls ang punta
“Love, kung anong gusto mo sigi mamili ka”
At paglabas ng Mall todo allowance pa.
Lumipas ang buwan si Misis nagtaka
Medyo nabawasan ang padalang pera
Agad tinawagan “Mahal ko bakit ba?
Bakit ito na lang padala mong pera”
Nagkabulol-bulol ang dila ni Pare
Wala sa anggulo nagkalitse-litse
Kun anong katwiran ang kanyang nasabi
At biglang nagduda itong si kumare.
Dahil isang switik itong si Kumpare
Biglang nagpadala ng medyo malaki
At si Misis nama’y wala ng nasabi
Ang puot kay Mister ay biglang napawi..
Di alam ni Misis, Mister may talento
Para makalusot nangutang sa bangko
Ang tunay na Misis dagling naareglo
Ang natira naman kay sexy naitago.
Bangko ay naningil paglipas ng buwan
Utang ni Kumpare hindi nabayaran
Hindi na nabigyan si seksi allowance
Lumipas ang araw si pare iniwan..
Biglang nagka-krisis itong buong mundo
Natanggal si Pare sa kanyang trabaho
Hindi na n’ya alam kung saan patungo
Paano si Misis, si sexy at Bangko.
Lumipas ang taon Bangko’y nagfile case
Itong si Kumpare hinuli ng pulis
Empty na si Misis empty na rin ang chick
At sa bilangguan siya ay nagtiis.
Habang nililitis ang kaso sa Korte
Desisyon ng huwes idiport si Pare
Kawawang mga anak, kawawang Kumare
Malas at kahihiyan ang dala ni Pare...
Dumating si Pare baon niya’y lungkot
Walang ibang dala kundi kanyang suot
Habang bumababa si Pare sa airport
Panay pangugutya ang kanyang inabot…
Kaya kaibigan kung mangibang bayan
Kuwento ni Pare’y di dapat tularan
Ang lahat ng tukso ay dapat iwasan
Upang makamit mo ang kinabukasan…